Home
Magsimula sa Sarili
Trabaho, Trabaho
Negosyo
May Galing Ka
2 Uri ng Puhunan
Salapi, Salapi
Utang, Gastos, atbp.
Maunlad na Isipan
Kahirapan
Hindi Maunlad
Manood ng Video
Kumita
Ibahagi Mo


Utang, Sahod, Gastos, atbp.


Masasabi nga bang Masama ang Mangutang?

Oo. Ang utang ay perang hindi mo pa kinikita o napapasakamay, ngunit ninanais mo nang gastusin o gamitin. Kadalasan, ito'y kailangan mong bayaran ng mas malaking halaga sa itinakdang panahon.

Ang utang ay nagdaragdag sa regular mong Kagastusan.

Gayun pa man... KUNG ito'y gagamitin sa isang bagay na magbibigay
sa iyo ng tiyak na kita na magpapatuloy sa maraming araw (passive
income)
at kayang higitan ang dagdag na kagastusang idudulot nito,
ang utang ay masasabing hindi masama at magiging Katulong sa pag-
unlad.


Hanggang saan dapat iwasan ang Paggastos?

Ang gastos ay isang KABAWASAN sa iyong kinikita at hindi nagbabalik ng anumang halaga sa iyong bulsa. May mga gastos na sadyang Kailangan at mayroon namang MAIIWASAN.

Sa loob ng isang Pamilya at Komunidad, may mga pangangailangan na nararapat tugunan upang mapanatili ang isang maayos, malusog, at maligayang pamumuhay. Ang mga bagay na ito ang dapat maging pangunahing layunin ng anumang paggastos.

Maliban sa nabanggit, dapat IWASAN ang mga kagastusan na bagama't nagdudulot sa iyo ng kasiyahan ay hindi naman lubhang kailangan o maaari mong ipagpaliban sa ibang araw - kung kailan may sapat ka nang kahandaan at maluwag mo itong matutugunan.


Sa punto ng Kaunlaran, mainam nga ba ang magpundar ng mga Ari-arian, tulad ng lupa, bahay, sasakyan, at mga kasangkapan?

Oo, kung ang mga ito ay magbibigay sa iyo ng kitang maaasahan at magpapatuloy sa mahabang panahon, sa paraang hindi mo kailangang pagpawisan sa araw-araw (passive income). (Halimbawa, isang paupahang bahay, gusali, o sasakyan - o isang simpleng gamit o kasangkapan lamang, tulad ng "food cart," "vending machine," atbp.)

Oo, kung ang ari-arian ay sa simula lamang magdudulot sa iyo ng malaking abala o kapaguran upang ito'y mabuo at maipundar, at pagkatapos ay maaaring patakbuhin nang hindi kailangan ang araw-araw at personal
mong pangangasiwa. (Halimbawa, isang proyekto o negosyo, na sa sandaling mapalago, ay maaari mong iwanan sa kamay ng mga taong mapagkakatiwalaan at may sapat na kakayahan, upang ito'y maayos na mapatakbo o mapamahalaan sa araw-araw. Ang isang magandang "franchise business" at isang matagumpay na "networking business" ay maibibilang rin sa kategoryang ito. Ang negosyo sa Internet ay isang halimbawa pa rin, na pagkatapos mabuo, ay tumatakbo sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na lamang.)

Hindi, kung ang idudulot nito ay pawang mga KAGASTUSAN lamang at walang maibabalik na sapat na halaga sa iyo... ngayun man o pagdating ng araw.

Hindi, kung magbibigay man ito ng sapat na Kita, ngunit sa paraang patuloy mong pagpapaguran at pagpapawisan sa araw-araw.


Mahalaga nga ba sa Pag-unlad ang Pag-iimpok?

Ang pag-iimpok ng halagang magagamit na PUHUNAN sa pagsisimula ng isang bagay na Magdaragdag sa iyong Kinikita ay totoong mahalaga sa Pag-unlad.

Kung ang iniimpok na halaga naman ay inilalaan sa isang kagastusan lamang (inaasahan man ang pangangailangan o ninanais lamang), ito'y hindi masama... ngunit WALANG maaasahang pagsulong, sa punto ng Pananalapi, sapagkat walang maibabalik na halaga ang iyong inipon.


Paano Makapag-iimpok kung Kulang ang Kinikita?

UNAHIN ANG PAG-IIMPOK.

BAGO PA MAN gumastos o bawasan ang bawat kita o sahod, magtabi ng isang halagang hindi gaanong makasisira sa "budget" na inilalaan mo para sa mahahalagang pangangailangan. HINDI MAHALAGA KUNG GAANO MAN ITO KALIIT - ang higit na mahalaga ay ang MASIMULAN AT MAKASANAYAN mo ang ugaling ito. Sa hinaharap, sa pagtanggap ng higit na malaking kita o sahod, maaari mong dagdagan ang itinatabing halaga.

Pag-aralan sa loob ng ilang linggo kung saan nauuwi ang bawat bahagi ng kinikita. Itala maging ang pinakamaliit na gastos sa araw-araw. Sa ganitong paraan, matutuklasan mo kung alin ang mga kagastusan na hindi gaanong mahalaga, ngunit kumukuha pa rin ng isang bahagi sa iyong regular na badyet. Halimbawa, madalas ka bang bumili ng dyaryo o magasin, kendi o tsitsirya, sigarilyo, "soft drinks," atbp? Gaano kalimit kang mamasyal, magsine, o kumain sa labas? Sa loob ng isang linggo, magkano ang nagagastos mo sa "jueteng" o "lotto?" Maaari mo bang bawasan, kung hindi man tuluyang alisin, ang alinman sa mga gastos mong ito?

Sa loob ng isang buwan at isang taon, ang matitipid mo mula sa mga bagay o gastos na hindi gaanong kailangan ay maaaring umabot sa hindi birong halaga, kung iyong pag-aaralan - na maaaring magbigay ng isang maliit na puhunan para sa isang kapakipakinabang na proyekto o negosyo, kung iyong iipunin. Tandaan, maraming mauunlad na tao ang nagtagumpay sa Kakarampot lamang na Puhunan sa Simula.


Hindi ba sapat na mayroon kang Kita o Sahod mula sa iyong Trabaho?

Ang sahod na kinikita sa trabaho ay nakabase sa Kaya mong ibigay bilang kapalit nito: ang iyong oras at panahon, at ang lakas at sigla ng iyong isip at katawan. Ang mga bagay na ito ay may malaking LIMITASYON: ang iyong oras ay hindi hihigit sa 24 lamang sa isang araw at ang panahon ay hindi hihigit sa 365 araw lamang sa isang taon. Ang katawan at isipan ay may sariling kakayahan, ngunit napapagod at nanghihina sa bawat pagkakataon.

Mahalagang itabi ang sahod, o ang isang bahagi nito, upang gamitin sa isang bagay na magbibigay sa iyo ng Maasahang Kita - ngayun at sa darating na panahon - sa paraang hindi mo kailangang pagpaguran at paghirapan nang paulit-ulit.


Hindi pa rin ba sapat kung ikaw ay may maganda at malaking Sahod?

Hindi mahalaga kung gaano man kalaki (o kaliit) ang iyong sinasahod. Ang higit na mahalaga ay ang bahagi nito na naiiwan sa iyo... at nagagamit mo upang PALAGUIN at MAGDAGDAG sa iyong KINIKITA sa mahabang panahon, sa paraang hindi paulit-ulit na kukuha ng mahalagang oras at abala sa iyo.

Utang, Gastos, Sahod, Ari-arian, o Pag-iimpok man... ang mga ito ba'y nagiging KATULONG o HADLANG sa iyong Pag-unlad?



Pumunta sa
MAUNLAD na ISIPAN


May Pananaw Ka Bang Nais Ibahagi
sa Ating mga Mambabasa?

Halika, isulat mo dito




Gastos, Utang, Sahod, Atbp.
Bumalik sa Home page
PAANO YAYAMAN SI JUAN?


footer for utang page