Trabaho?
Kay Juan, Jr.
Maligayang Bati sa iyong pagtatapos! Kung papalarin kang matanggap sa trabaho, huwag mo nang uulitin ang pagkakamali ng iyong mga magulang:
1. Huwag Iasa sa Trabaho ang Pinapangarap Na Magandang Buhay. Bakit? Sapagkat hindi mo maaaring hatakin ang walong (8) oras na pagtatrabaho sa 24 oras o mahigit pa, may limitasyon ang iyong oras at panahon... at ang lakas at sigla ng iyong katawan. Dahilan dito, may limitasyon ang kakayahan mong kumita ng ipangtutustos sa kinabukasan. Ilang beses ka mang ma-"promote" at ilang umento man ang dumating sa iyo, huwag mong asahang sasapat na ang iyong kinikita upang matugunan ang pangangailangan ng iyong pamilya sa susunod na mga panahon. Sa halip, ariin mong isang pagkakataon ang iyong trabaho upang makaipon ng puhunan na maaari mong palaguin - ang makalikom ng isang halagang magagamit mo sa pagsisimula ng isang proyektong magpapalago sa iyong kinikita, sa paraang hindi mo kailangang pagpaguran at paghirapan pa sa susunod na mga taon.
2. Magplano at Maghanda, Matuto sa Pananalapi. Ang mga taon ng pagtatrabaho ay gawing isang panahon ng paghahanda, pag-aaral, at pagpaplano. Sa sandaling may sapat nang halaga, paano palalaguin ang naipong pera? Ano ang mga proyekto na maaari mong pasukin sa hinaharap? Paunlarin mo ang sarili sa bawat pamamaraan bilang paghahanda ngayun pa lamang. Magmasid, mag-aral, at matuto sa lahat nang pagkakataon. Gawing isang magandang okasyon ang iyong trabaho upang magsanay at mag-aral at maiangat ang iyong kakayahan, kaalaman, at kahusayan sa lahat ng bagay - ang iyong kahandaang maisakatuparan ang pinapangarap na magandang buhay.
3. Tiyakin ang Pag-iimpok BAGO PA MAN Gumastos. Tuwing araw ng sahod, itabi agad ang sapat na halaga para sa pondong gagamitin mong panimula upang mapalago ang kinikitang pera. Maaaring 10% o mahigit pa ng tinatanggap na sahod, o ang pinakamalaking halaga na kaya mong itabi - GAANO man ito kaliit. Pagkaraang ihiwalay ang bahagi para sa pag-iimpok, ilaan ang natitirang sahod para sa mga kagastusan at pangangailangan. Gumawa ng regular na badyet para dito at sikaping mapagkasya at manatili sa badyet na ito. Humanap ng paraan upang mabawasan ang buwanang kagastusan at, kung kinakailangan, ay madagdagan pa ang kinikita. Nguni't sa ano mang pagkakataon, HUWAG na HUWAG mong gagalawin ang pondong iniipon.
4. Manatili sa Uri ng Pamumuhay na Kaya Mo. Huwag maghangad ng mga bagay na hindi mo pa kaya - ilaan ang mga ito sa hinaharap. Gawing isang hamon sa iyong sarili ang katuparan ng lahat ng pinapangarap. Magplano at pag-aralan kung paano mapapasakamay ang mga bagay na inaasam.
5. Huwag Gawing Pasaporte ang Trabaho Upang Pumasok sa mga Pagkakautang. Sa bawat pangungutang, ginagastos mo ang perang hindi mo pa kinikita. Ito'y may katumbas na halagang "interest," na ipinapatong sa halaga ng iyong utang. Higit na magastos ang gumastos ng salaping hindi sa iyo at hindi mo pag-aari, sapagkat higit na malaking halaga ang dapat mong ibalik. Bukod dito, ang bawat utang ay sadyang nagdaragdag sa bigat ng mga kagastusang binabalikat mo. Isa - at tanging isa lamang - ang pagkakataon upang pumasok sa pagkakautang nang walang dagdag na kagastusan o bigat sa iyong balikat: ito'y kung gagamitin mo ang pera sa isang bagay na MAY TIYAK NA HALAGANG BABALIK SA IYO at maaaring pagkunan ng ipambabayad-utang. (Halimbawa, sa pagpapagawa ng isang bahay o silid na maaaring paupahan, ang kikitain mong upa ay maaaring gawing pambayad-utang.)
Magpatuloy sa napiling trabaho hanggang sa katandaan, kung ito ang nagbibigay ng tunay na kasiyahan at kaligayahan sa iyo. Ngunit matuto kang gamitin at palaguin ang kinikitang pera sa iba't-ibang mga gawain, proyekto, at pag-aari na magbibigay sa iyo ng kita sa pamamaraang hindi mo kailangang paghirapan at pagpaguran pa sa araw-araw. Kung tanging sa trabaho o sa kinikitang sweldo iaasa ang buhay at kinabukasan, hindi makakaalpas sa kakapusan at kahirapan kailanman.
Kay Jun Muli - Lumikha ng Yaman
Sa iyong pagsisimula, gawin mong isang tungkulin at hamon sa iyong sarili ang lumikha ng yaman... ang marating ang pinakamataas na antas ng pamumuhay na kaya mong abutin. Bakit? Sapagkat sa iyong pag-angat, kasama mong maiaangat hindi lamang ang iyong pamilya, kundi ang marami pang iba, na tulad mo ngayun ay naghihintay ng isang pagkakataong makapagsimula.Sa pagtahak mo ng landas tungo sa isang maunlad at masaganang buhay, magbibigay ka ng biyaya at kapakinabangan sa mga taong nangangailangan ng mga serbisyo o produktong ihahatid mo. Lilikha ka ng hanapbuhay at magbibigay ng trabaho sa hindi lamang iilang tao. Magdadagdag ka sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng mga buwis na ibabayad mo. Sa kabuuan, magdaragdag ka sa kaunlaran at pagsulong ng lahat. Ng iyong sarili sapagkat maaabot mo ang iyong mga pangarap. Ng mga taong makakasama at makakatuwang mo sa pagsasakatuparan ng iyong mga proyekto't negosyo. Ng iyong komunidad. At ng buong bansa. Hindi masama ang magpunyagi at magsikap umunlad. Hindi para sa sarili lamang, kundi para sa lahat na maaaring makinabang sa iyong mga gawain... ang buong pamayanan. Kaya humayo ka.. akuin mong isang tungkulin ang lumikha ng yaman. Paunlarin mo ang iyong sarili at iangat ang pamumuhay hanggang sa pinakamataas na antas na maaari mong marating. Maging bahagi ka ng SOLUSYON... huwag dumagdag sa problema ng kahirapan na pinapasan ng bayan natin.
Trabaho? Papunta sa NEGOSYO
Pabalik sa HOME page Paano Yayaman si Juan?

|