Home
Magsimula sa Sarili
Trabaho, Trabaho
Negosyo
May Galing Ka
2 Uri ng Puhunan
Salapi, Salapi
Utang, Gastos, atbp.
Maunlad na Isipan
Kahirapan
Hindi Maunlad
Manood ng Video
Kumita
Ibahagi Mo

Ang Unang Hakbang

Ang Salaping Yaman ay Bihirang Humigit
pa sa Antas ng Pagpapalago sa Sarili


DAGDAGAN, PALAGUIN, at IANGAT ang sarili sa lahat ng bagay.

Kaalaman - mag-aral at matuto sa bawat pagkakataon at sa lahat ng pagkakataon.

Kakayahan - manatiling bukas ang isipan sa mga bagay na bago sa iyong karanasan at maaari mong matutunan.

Kagandahan ng ugali - dagdagan ang malasakit, respeto, at katapatan sa pakikipagkapwa-tao.

Kahusayan - maging magaling sa iyong gawain at sa anumang gawain. Maging mahusay sa lahat ng bagay.

Hindi kailangang mataas ang iyong pinag-aralan.

Sa larangan ng buhay, maraming pagkakataon upang matuto, mag-aral, at pagyamanin ang sarili.


Ang buhay ay isang malawak na unibersidad o pook paaralan.
Ang kakulangan sa pormal na edukasyon ay maaaring punuan o
higitan pa ng kaalaman at karunungan na maaaring
matutunan sa tunay na buhay.



Nasa Kamay Mo ang Lahat

Anuman ang sitwasyong kinaroroonan mo sa kasalukuyan, ikaw ang nagdala sa sarili mo sa kinalalagyan mo ngayun.

Kung ang lahat ng bagay sa iyong buhay ay sapat na at kasiya-siya para sa iyo, binabati kita... isa kang matagumpay at masaganang Pinoy!

Kung hindi...

Marahil ay gusto mong mapagtapos ng pag-aaral ang iyong mga anak at matiyak ang kanilang kinabukasan. Gusto mong magkaroon ng lupa at bahay. Maipagamot ang magulang na maysakit. Matugunan nang sapat ang pangangailangan ng iyong pamilya...

Kung dumaranas ka ng kakapusan at kakulangan sa buhay mo ngayun, sa maniwala ka't sa hindi, ikaw - at tanging ikaw - na rin ang nagdala sa sarili mo sa estadong ito.

Paano? Ang bawa't tao ang gumagawa ng kanyang kapalaran sa pamamagitan ng mga bagay na ginagawa at hindi niya ginagawa. Marahil ay may mga bagay kang ginawa sa nakalipas na panahon na hindi mo dapat ginawa, o hindi mo ginawa ang ilang bagay na dapat sana ay ginawa mo.

Hindi pa huli ang lahat, sapagkat nasa kamay mo ang kinabukasan. Huwag sisihin ang pagkukulang ng sinuman: asawa, magulang, kaibigan, kasama o pinuno sa trabaho, pulitiko o gobyerno. Walang sinuman ang dapat sisihin.

Hindi ang patakaran ng kumpanya o ang pamahalaan ang dapat sisihin sa iyong kahirapan. Hindi ang takbo ng ekonomiya at pagtaas ng halaga ng lahat ng bilihin.

Sapagkat, magpakasama-sama man ang lahat, ikaw pa rin sa bandang huli ang gumagawa ng desisyon para sa iyong sarili at sa sarili mong buhay.

Ano ang dapat mong gawin?

Nasa kamay mo ang lahat. Nasa kamay mo ang pag-angat at pag-unlad...


Ang Pag-Unlad ay Maaaring
Matutunan at Mapag-aaralan.



Hindi Ka Punong Kahoy

Mabuti na lamang at hindi tayo naging puno ng kahoy na nakapako kung saan umusbong at lumaki. Ang isang punong kahoy sa Tondo ay walang pag-asang mag-iba ng lugar at humanay sa malalaki at magagandang punong kahoy ng Ayala Alabang o ng isang magandang "village" sa Makati. Sa Tondo ito itinanim, sa Tondo na rin ito mamamatay.

Ang tao ay hindi nakapako sa kanyang kinaroroonan. May kakayahan siyang baguhin ang kanyang sitwasyon. Kung hindi ka nasisiyahan sa kinalalagyan mo ngayun, maaari mo itong ibahin

Hindi mahalaga kung saan ka nagmula. Ang mahalaga ay ang iyong kagustuhan na mabago ang buhay.

Hindi iilang pagsubok ang maaari mong daanan. Sa anu't ano man...

Hindi mahalaga kung ilang beses ka mang nagkamali at kung ilang beses kang nabigo at nadapa. Ang higit na mahalaga ay ang iyong pangarap, sapagkat dito nagsisimula ang lahat.

Patuloy na manalig sa iyong pangarap at humayo hanggang sa ito'y marating...


Manood ng Video

Saan Nakabase ang
Kakayahan Mong Kumita?





TRABAHO, TRABAHO

Pabalik sa HOME page
PAANO YAYAMAN SI JUAN?


footer for sarili page