Home
Magsimula sa Sarili
Trabaho, Trabaho
Negosyo
May Galing Ka
2 Uri ng Puhunan
Salapi, Salapi
Utang, Gastos, atbp.
Maunlad na Isipan
Kahirapan
Hindi Maunlad
Manood ng Video
Kumita
Ibahagi Mo

Hindi Salaping Puhunan


Anumang oras na gustuhin mo, maaari kang magsimula sa landas ng kaunlaran sa paraang kaya mo. Kakarampot man ang salaping puhunan, mararating mo nang tiyak ang tagumpay, kung taglay mo ang mga katangian sa listahang ito.

Sa artikulong "Nine Things More Important Than Capital," inilahad ni Jim Rohn, ang pangunahing "business philosopher" ng Amerika, ang siyam (9) na bagay na higit pa sa salapi, ay maaaring maging puhunan sa pag-unlad:

1. Oras o Panahon

Ang panahong ginagamit mo sa paglikha ng kapakinabangan para sa sarili at sa higit na nakararami - ang panahong hindi mo sinasayang sa walang kabuluhang bagay. Ang oras na ibinibigay mo sa paghahatid nito sa pamilihan, kasama ang pag-asa na magkakaroon ka ng ganansya o karampatang kita.

Gaano kahalaga ang oras o panahon? Ang oras na sinayang ay hindi mo na mababawi kailanman. Ang oras na ginamit nang wasto ay may katumbas na maraming biyaya at pagpapala.

2. Pangangailangan

Ito ang nagbubunsod sa iyo upang gawin ang isang mahirap na bagay alang-alang sa mga mahal sa buhay. Ito ang nagsasasabi sa iyong "Kakayahin ko ito... huwag lamang silang magutom. Makapag-aral lamang sila. Gumaling lamang sa pagkakakasakit... atbp."

Ang matinding pangangailangan ang nagtuturo sa iyo na humanap ng paraan - at nag-uudyok sa iyo upang kumilos at gumawa ng nararapat na hakbang.

3. Tiyaga at Determinasyon

Ito ang kabuuan ng sariling pagpapasiya. Ang kahandaang gawin ang nararapat gawin upang mabago ang takbo ng buhay. Ang kahandaang magpatuloy, at huwag sumuko, upang marating ang tagumpay.

4. Tapang at Lakas ng Loob

Ang kakayahang sumubok at makipagsapalaran. Salat man sa salaping puhunan, ang matapang at buo ang loob ay may magandang bukas na maaasahan.

5. Malaking Pangarap

Hindi mo mararating ang nais mong tunguhin, kung wala kang malinaw at malaking pangarap - ito ang nagtuturo ng direksyon at nagbibigay ng liwanag sa daang tinatahak.

6. Pananalig

Ang isang malaki at matibay na paniniwala sa sarili at sa sariling kakayahan. Bawat isa ay may natatanging kakayahan at natatagong husay na ibinigay sa kanya ng Diyos upang pagyamanin at ibahagi sa iba. Hanapin mo ito at gamitin upang iangat ang iyong sarili.

Milyong piso man ang puhunan, mauuwi ang lahat sa wala at mananatili ka sa kahirapan, kung wala kang matibay na pananalig sa iyong sarili at sa sariling kakayahan.

7. Karunungan o Kahusayan

Maging mapag-aral.

Tama ba ang ginagawa sa bawat pagkakataon? Kung may nagawang kamalian, paano ito maiwawasto? Ano ang tamang mga pamamaraan? Alin ang mas mainam?

Sa kabuuan, paano mapagbubuti ang iyong gawain, produkto, o serbisyo? Paano makapagbibigay ng higit na kasiyahan - at mas malaking kapakinabangan - sa mga taong pinaglilingkuran? Sa pamilihan?

8. Puso at Diwa

Ito ang nagbibigay ng buhay at sigla sa iyong ginagawa. Ito ang nagbibigay ng ganda at sariling katangian sa produkto o serbisyong inihahatid mo sa merkado.

9. Katauhan

Taglayin at linangin ang magagandang ugali at patuloy na pagyamanin ang iyong sarili. Makitungo nang tama sa lahat ng uri ng tao, mayaman man o mahirap, sapagkat wala silang pagkakaiba.

Kabayan,

Ang nasa pagitan ng Piso at Milyon Bilyong Piso ay ang mga katangiang taglay mo sa iyong pagkatao - ito ang puhunan na hindi matutumbasan at higit na mahalaga kaysa salapi, ang puhunang tunay na magdadala sa iyo sa tagumpay.


Salaping Puhunan

Ano ang kahulugan ng Salapi sa iyo, Kaibigan?

Ito ba'y panggastos? Pambili ng mga bagay na kailangan mo? Pambayad sa mga obligasyon at pagkakautang? Pambili ng anumang bagay na maibigan mo?

Marahil, tulad ng marami, ang salapi sa iyo ay panggastos. At panggastos lamang.

Kung gayun -

Hindi nakapagtataka kung may suliranin ka sa pananalapi. Sapagkat ang kaisipang ang pera ay panggastos lamang ay hindi maunlad na kaisipan. Ito ang nag-uudyok sa iyo na gastusin ang bawat sentimong napapasakamay. At ito rin ang nagpapanatili sa iyo sa kahirapan.

Kung ganito ang taglay na isipan, tinitiyak ko sa iyo, gaano man kalaking halaga ang dumapo sa palad mo - manalo ka man sa lotto ng 100 milyong piso - babalik at mananatili ka sa dinaranas na Kakapusan, tulad ng higit sa 80% ng mga nagsipagwagi na dito, ayon sa pag-aaral.

May isang mukha ang salapi na kadalasan ay nalilimutan natin at maaaring hindi mo nabibigyan ng pansin: ang salaping napapasakamay ay maaari mong PALAGUIN. Tulad sa isang BINHI, ito'y maaaring itanim, palakihin, at paramihin. Ito ang tanda ng MAUNLAD na isipan.

Ang isang taong may maunlad na isipan ay maaaring magsimula sa WALA, ngunit may kakayahang umangat sa buhay at marating ang tagumpay. Maraming pangalan sa iba't-ibang dako ng mundo ang nagpatunay na nito, mga taong nagsimula sa kahirapan, nagsikap na mapaunlad ang sarili, nagsimula sa pinakamababang antas ng isang gawain - nagsimula sa maliit na paraan.

Maaaring hindi mo namamalayan, ngunit ang bawat halagang napapasakamay ay tunay na makapangyarihan. Bawat Pisong dumarating ay may kakayahang magdala sa iyo sa hinahangad na magandang buhay. O sa patuloy na kakapusan at kahirapan.

Kaibigan,

Ano ang gagawin mo sa hawak na Piso? Bawat sentimo ba nito'y gagastusin, o magtatabi ka ng isang bahagi upang ito'y PALAGUIN?


Alam Mo ba?

... na ang bawat halaga - Milyon, Bilyon, o Trilyon man - ay nagsisimula lamang sa "Isa" at natatapos sa "Wala"?

Ang Piso, kung sadya mong gagawin, ay maaari mong palakihin sa anumang halaga. Ang P10 ay maaaring gawing P100, P200, o P500. At ang halagang isang libo ay maaaring gawing lima o sampung libo, gaya ng ang halagang P100,000 ay maaaring palaguin sa isang Milyon o mahigit pa.

Sa kabilang dako...

Anumang laki ng salapi, sa sandaling gastusin, ay maaaring mauwi sa pagkaubos at pagkawala. Gaano man kalaking halaga ay maaaring tuluyang maglaho, kung hindi ka matututong ito'y ingatan, alagaan, at patuloy na Palaguin.



2 Uri ng Puhunan
Papunta sa... SALAPI, SALAPI



Pabalik sa Home page
Paano Yayaman si Juan?






footer for puhunan page