Home
Magsimula sa Sarili
Trabaho, Trabaho
Negosyo
May Galing Ka
2 Uri ng Puhunan
Salapi, Salapi
Utang, Gastos, atbp.
Maunlad na Isipan
Kahirapan
Hindi Maunlad
Manood ng Video
Kumita
Ibahagi Mo

Ang Kahirapan ni Juan


Ayon kay Jim Rohn, ang pangunahing "business philosopher" ng Amerika: ang buhay - katulad ng lupa - ay hindi tumutugon sa pangangailangan.

Ang lupa ay tumutugon lamang sa BINHI. Itanim mo ang binhi at ito'y uusbong. Diligin mo - at ito'y magpapakita ng dahon. Alagaan mo - at ito'y magiging isang punong kahoy.

Hindi maaaring magbigay ng bunga ang lupa kung walang binhing itinanim at inalagaan.

Gayundin, ang buhay sa mundo ay hindi tumutugon sa Pangangailangan lamang. Kailangan ng taong magtanim upang umani ng bunga na tutugon sa mga pangangailangan niya. Tama nga at may sapat na yaman at pagkakataon sa mundo para sa lahat. Ngunit kailangan mong kumilos at magpunyagi upang magkaroon ng bahagi sa mga yamang ito. Halimbawa, ang dagat ay mayaman sa pagkain, pero hindi mo ito mapapakinabangan kung hindi ka magpapalaot at mangingisda.

Paano nakamit ng mauunlad na tao ang kanilang yaman? Masasabi ba natin na ang kasaganaan ng ilang taong nagtagumpay ay dahil sa kanilang pagkamakasarili? Sa palagay natin ay Hindi: ang bungang kanilang tinatamasa ay dahil sa binhing kanilang itinanim.

Maaaring ang mauunlad na tao ay gumagastos ng malalaking halaga upang mapanatiling maunlad ang kanilang negosyo. Nguni't ang malalaking halagang ito - at anumang halagang ginagamit sa anumang negosyo - ay bumabalik din sa maliliit na taong tumutulong sa pagbibigay ng serbisyong inihahatid nila, o kailangan nila. Saan nga ba nagmumula ang mga trabahong nagtataguyod sa marami sa atin? Sa mga proyektong negosyo ng mga mangangalakal na ito, hindi ba?

Hindi natin sinasabing katamaran ang dahilan ng kahirapan at kakapusan ng marami. Tama, ang mahirap ay may kakayahang kumayod nang mahabang oras. May kakayahang magbanat ng buto at magpatulo ng pawis. May kakayahang mamuhunan kahit ng dugo pa man.

Sayang nga lamang at hindi nila alam kung saan dadalhin ang kanilang sipag at pagpupunyagi... at kung saan hahanapin ang sarili nilang pag-unlad. Hindi sa isang trabahong magbibigay sa iyo ng isang nakapakong halaga, gaano mang pagsisikap at pagpupunyagi ang gawin mo. Hindi sa isang trabahong hindi mo magagampanan kung ikaw ay pagod na o dinapuan ng sakit.

Saan mo dapat iasa ang iyong kinabukasan? Hindi sa isang trabahong nagbibigay lamang ng biyaya habang ikaw ay kumakayod at nagpapatulo ng pawis. Nguni't wala kang maaasahan sa sandaling ikaw ay huminto.

Kamangmangan? Hindi, kung ang tinutukoy mo ay ang kakulangan sa pag-aaral o pormal na edukasyon. Sapagkat hindi kailangan ang mataas na pinag-aralan upang maging matagumpay sa buhay - ang milyonaryong may-ari ng trabahong pinapasukan mo ay maaaring tulad mo ring hindi nakaabot ng mataas na pag-aaral. Pero maunlad ang kanyang buhay.

Bakit nga ba? Bakit nga ba may mayaman at mahirap?

Ayon sa pag-aaral, ang malaking kaibahan ng isang mayaman at isang mahirap ay wala sa dami ng salapi ng mayaman o sa kakulangan ng salapi ng mahirap. Ang malaking kaibahan ay nasa kanilang Kaisipan. Malaki ang pagkakaiba ng kaisipan ng isang maunlad sa buhay at ng isang dumaranas ng kahirapan.

May nagsabi na hatiin mo man daw ang lahat ng yaman sa mundo sa lahat ng taong naninirahan dito, sa bandang huli ay mapupunta rin ang lahat ng yamang ito sa iilang mga taong nagmamay-ari nito ngayun.. At ang nakararami ay babalik sa kakapusan at kahirapan.

Bakit? Sapagkat tulad ng sinabi natin sa nauna nating mensahe, ang pag-unlad ay nagsisimula at nakasalalay sa bawat isang tao.

Nasa kaisipan ng bawat isa sa atin ang pag-unlad. O hindi pag-unlad. Wala ito sa salaping napapasakamay o hindi napapasakamay.

Totoong nakakalungkot na ang payak at simpleng pangarap ng isang karaniwang Pilipino ay hindi niya maabot. Nguni't huwag kang mawalan ng pag-asa, sapagkat ang maunlad na buhay ay totoong abot kaya mo at ng sinumang naghahangad nito. Kailangan lamang na mabuksan ang iyong isipan... Iangat ang iyong sarili at ang sariling mga kakayahan... Pag-aralan ang nararapat gawin... At masusing isagawa ang nararapat.


Ang Kahirapan ni Juan
(Isang Pahabol)


Ang yaman sa mundo ay hindi maiihahalintulad sa isang bibingkang inaangkin ng iilan lamang at ang natitirang isang maliit na bahagi ay iniiwan upang paghatian ng nakararami. Totoong hindi pantay ang pagkakabahagi ng yaman sa ating mundo:

   Ayon sa pag-aaral, nobenta porsyento (90%) ng lahat ng yaman
   ay pag-aari ng sampung porsyento (10%) lamang ng lahat ng tao;
   at ang natitirang sampung porsyento (10%) ay pag-aari naman ng
   natitirang nobenta porsyento (90%) ng buong populasyon. Base sa
   istatistikang iniharap ng isa nating kaibigan, halaw sa U.N. Develop-
   ment Report ng 1998, ang yaman ng tatlong (3) pinakamayayamang
   tao sa daigdig ay higit pa sa Gross Domestic Product (GDP) ng 48
   na pinakamahihirap na bansa.

Totoong nakamamangha ang agwat ng pinakamayaman at pinakamahihirap na tao sa daigdig. Nguni't alalahanin natin na ang tinutukoy na yaman dito ay hindi ang natural na yaman na sadyang ibinigay sa atin ng Panginoon upang pakinabangan nating lahat sa isang makatarungan at pantay-pantay na pamamaraan. Ang yamang tinutukoy sa mga istatistikang nabanggit ay ang yamang nilikha ng tao, ng mga mauunlad na tao na namuhunan ng panahon at pagpupunyagi sa paglikha nito.

Dahil dito'y hindi masasabi na sa iilan lamang "napupunta" ang maraming yaman at ang natitira ay "pinaghahatian" na lamang ng marami. Ang bawat isa sa atin ang gumagawa ng sarili niyang yaman - tulad din nang ang bawat isa sa atin ang lumilikha ng sariling mga kadahilanan upang manatili sa kakapusan at kahirapan.

May Kakayahan Ka

Anuman ang pinanggalingan sa buhay, ang lahat ay may kakayahang paunlarin at iangat ang sarili. Sinumang tao ay maaaring lampasan ang kakapusan at kahirapan sa pamamagitan ng isang maunlad na kaisipan. Gayundin naman, alinmang yaman ay maaaring mawala, kung hindi mananatili ang maunlad na kaisipang lumikha dito.

Totoong limitado ang kakayahan sa buhay ng isang dumaranas ng matinding kahirapan. Nguni't mali ang kaisipang nagsasabi na ang solusyon sa problemang ito ay nakasalalay sa mga taong higit na nakaaangat o "lubos na pinagpala" sa buhay. Malaki ang maitutulong ng iba: ang pamahalaan, pribadong sektor, mga mapagkawanggawa at mabubuting-loob na mga tao, institusyon at organisasyon, at iba pang nasa katatayuang tumulong. Nguni’t ang tuluyang pag-angat at pag-unlad ng sinumang tao, sa bandang huli, ay nananatili pa rin sa kanyang sarili.

Ang Tamang Pagtulong

Habang tumitindi ang kahirapan ng isang tao, totoong higit niyang kailangan ang tulong ng iba: Paano nga ba makapag-iisip ang isang taong matindi ang panghahapdi ng sikmura sapagkat minsan lamang sa isang araw nasasayaran ng kaunting pagkain ang labi o marahil ay mas madalang pa? Ano nga ba ang magagawa ng isang mahirap na maysakit na naghihintay na lamang agawin ng kamatayan sapagkat ni bahagyang kakayahang magpagamot ay wala?

Totoong dapat tulungan - at may tungkulin tayong lahat na may kakayahang tumulong - ang mga taong walang kakayahan, o limitado ang kakayahan, na tulungan ang sarili. Nguni’t ang pinakamahalagang tulong na nararapat ibigay sa kanila ay mismong ang mga bagay na tuluyang Magmumulat sa Kanilang Isipan at kailangan nila upang makatayo at matulungan ang kanilang sarili.

Nangunguna sa mga pangangailangang ito ang tamang edukasyon na magbibigay sa kanila ng kakayahan hindi lamang bumasa, sumulat, at bumilang - kung hindi magmumulat din sa kanilang natutulog na isipan sa likas na kakayahang ibinigay sa kanila ng Diyos upang maiangat ang sarili at ang sariling pamumuhay. Dapat nilang maunawaan na ang kahirapan ay isang kondisyon na maaaring baguhin - hindi isang kondisyon na dapat tanggapin... o yakapin. Hindi sapagkat isinilang sa kahirapan ay ito na ang magiging paraan ng pamumuhay. May ibang pamamaraan na dapat tuklasin - at may ibang daan na kailangang tahakin.

Ang ikalawang dapat tugunan ay ang kinakailangang mga kasangkapan upang makatayo sila sa sariling paa, tulad ng pagbibigay ng maliit na puhunan, pagsasanay sa iba’t-ibang bagay na maaaring pagkakitaan, pagtuturo ng kakayahan sa pagpapatakbo ng maliit na negosyo, pakikipag-ugnayan sa paghahatid ng produkto sa merkado, atbp.

Ang pamahalaan ay may mahalagang tungkulin sa pagbibigay ng serbisyo at mga programang mag-aangat sa mahihirap nating mga kababayan - at marahil ay dapat pag-ibayuhin at lalong pagbutihin ang mga serbisyo at programang ito na pangkabuhayan, pangkalusugan, pang-edukasyon, atbp. Ngunit sa isang banda, ngayun o kahapon lamang ba ang nasabing mga serbisyo at programa? Gaano katagal na nga ba, halimbawa, ang mga programang “livelihood,” “micro-financing,” at “skills development” na ibinibigay ng pamahalaan, gayundin ng ilang pribadong organisasyon at “non-government organizations” (NGO), para sa mga kababayan nating nangangailangan ng pagkakakitaan? Ang mga pagtuturo at pagsasanay sa iba’t-ibang kakayahan at kaalaman, at iba pang mga programang mag-aangat sa kanila?

Pagbabago ng Pananaw at Isipan

Itinuturing nating kawanggawa ang direktang pagtugon sa materyal na pangangailangan ng isang mahirap na tao - at ano pa mang tulong maliban sa nabanggit sa itaas. Ito’y hindi masama at nararapat lamang hanggang kinakailangan... nguni’t ang kawanggawa ay isang pansamantala o hindi pangmatagalang solusyon. Kung talagang hindi maiiwasan, ito’y dapat ilaan sa tunay na walang kakayahan sa sarili o ni pamilyang maaaring sandigan.

Iginigiit natin na ang tangi at pangmatagalang solusyon sa problema ng kahirapan at kakapusan ng marami ay wala sa kawanggawa o pagbabaha-bahagi ng lahat ng yaman sa mundo. Ito'y nasa pagbabago ng pananaw at kaisipan ng bawat isang tao.

May Pagkakataon ang Lahat

Bukas sa lahat ng tao ang pagkakataong baguhin ang buhay. Nguni't ang biyaya at pagkakataon para sa isang maunlad at masaganang pamumuhay ay kusang hinahanap at pinaghahandaan. Hindi ito hinihingi... hinihintay... o kusa na lamang dumarating. Anumang biyaya o pagkakataon ang naririyan at maaaring makamit, ito'y Hindi matatagpuan kailanman ng isang taong walang kahandaan.

Kung kaya't ang susi sa problema ng kahirapan ay totoong nasa isang MULAT na ISIPAN. Hindi man nakarating ng mataas na pag-aaral, ang isang mahirap na tao na mulat ang isipan ang mismong maghahanap ng mga kasangkapan upang maiangat ang kanyang sarili: ang mga kaalaman, kakayahan at pamamaraang kailangan niya, ang puhunang magagamit niya, atbp.

Ayon sa isang kasabihan, ang guro ay dumarating lamang kung ang mag-aaral ay nakahanda na.


Kahirapan
Pabalik sa Home page
PAANO YAYAMAN SI JUAN?



Isang Halimbawa ng Hindi Mulat na Isipan

Hindi masamang labanan ang katiwalian sa pamahalaan. Ngunit hindi nakasalalay sa isang malinis na gobyerno o malusog na ekonomiya ang sariling pag-unlad.

Korapsyon at Kampanya ng Galit

Ang Magulong si Juan



footer for kahirapan page