Galing Mo, Kabayan!
Pagmasdan mo ang nagtutulak ng kariton at nangungulekta ng mga lumang dyaryo, bote, at iba pang basurang mapapakinabangan. Ang nagtitinda ng prutas at gulay sa bangketa at naglalako ng mga kakanin sa kalsada. Masasabing may angkin silang tunay na galing sa pagnenegosyo. Marunong humanap ng paraan. Kumilos at makipagsapalaran. Marunong lumaban sa hamon ng buhay gamit ang tanging puhunan na nasa kamay na nila: pawis, panahon, at kaunting salapi.
Balang araw, kung matututo silang linangin ang sarili at iangat ang kanilang mga kakayahan, hindi malayong mararating din nila ang malaking tagumpay. Sinasabing kumpara sa nakalipas na panahon, napakadali ngayun ang magsimula ng negosyo sa halagang abot-kaya mo. Bukod sa marami ka nang mapagpipiliang mga "direct selling" at "franchise businesses," maaari ka na ring magnegosyo sa internet - kung saan hindi mo kailangang mamuhunan para sa mga pisikal na pangangailangan tulad ng pwestong tindahan, kasangkapan, sasakyan, tauhan, atbp. upang makapagsimula. Sa dami ng uri ng negosyong maaari mong pasukin, mahalagang magsimula sa isang bagay na malapit sa puso mo (dala ng iyong likas na galing, hilig, o interes) - isang bagay na alam mo o hindi bago sa iyo, at ikinasisiya mong gawin sa araw-araw (wika nga'y kukusain mong gawin nang walang kabayaran). Sa gayun, hindi magiging mahirap sa iyo ang lahat. Magiging madali sa iyong lampasan ang anumang pagsubok na daraanan. Ang bawat suliraning makakaharap ay magiging isang simpleng hamon lamang sa iyo upang lalo pang iangat ang iyong kakayahan. Sa pagpapatuloy, maraming pinto ang mabubuksan tungo sa sarili mong pag-unlad. Ang kailangan lamang ay naroroon ka upang tanggapin ang darating na mga pagkakataong ito. Kaya - Huwag ka nang maghintay, humayo ka na at magsimula.
Ano ang Natatangi Mong Husay?
Marahil, tulad ng marami, mayroon kang isang bagay na kinahihiligan o kinagigiliwang gawin: maaaring pagluluto, paghahalaman, pag-aayos ng buhok, pag-arte, musika, sining, palakasan, atbp.Dala ng iyong hilig - at maging ng iyong pag-aaral at naipong karanasan - natitiyak kong may natatangi kang Kaalaman o Kakayahan na maaaring mapakinabangan o makatulong sa iba. Paano mo ito maibabahagi sa maraming tao? Hanapin mo at pag-aralan kung paano maihahatid sa nakararami ang natatangi mong Galing at Husay. Maaaring ito ang maging simula ng inaasam mong pag-unlad at magandang buhay. Tandaan, sa pagtulong at pagbabahagi sa kapwa, matatagpuan ang malaking biyaya.
2 Uri ng Puhunan
Galing sa Negosyo Pabalik sa HOME page PAANO YAYAMAN SI JUAN


|